Sinasakal ako ng pag-ibig mo
mapagpalaya ang pag-ibig, wala itong kamay na bakal sapagkat ang bawat hawak ay may rahan, ang boses ay hindi ingay ngunit hele kagaya ng kay nanay. ang pag-ibig ay parang dagat, delikado ang lakas, ang sobra ngunit kung kalmado at marahan ang alon, sa pagdampi sa balat ko— ay ayoko ng magtangkang umahon pa rito kahit siguro itim na ang kulay ng mga balat ko. uhm... teka ang sabi ko nung una— mapagpalaya ang pag-ibig, wala itong kamay na bakal na dadampi sa mga balat ko upang ako'y saktan pisikal, at para itong dagat delikado at kalmado. ngunit paano kung hindi haplos na marahan ang pag-ibig mo, kung ‘di kadena na sasakal sa tuwing magkakamali ako, bakal na mag-iiwan ng bakas pag naririndi kana iyak ko, paano kung ang pag-ibig ay ganto... at nanatili lang ako. kayang takpan ng mahahabang tela ang bakas ng mga hampas, takpan ng koloreta ang mga peklat, ngunit paano ako magkakaroon ng lakas na kumalas at mag-aklas, kung palagi mong sinasabing “sus, tignan natin kung may tatanggap pa sa’yong iba”. hindi gantong pag-ibig ang mapagpalaya, at baka kagaya ng tubig alat, kailangan ng umahon pag nagagalit ang alon. mapagpalaya ang pag-ibig, kung ang ibig ay palayain.
Poetry Books 50% Off
Bestselling collections from top poets
